Archive for April, 2005

LASING SA ARAL

Thursday, April 14th, 2005
          "Ano ka ba naman?" bungad na sigaw ng aking ina. "Anumang itinuro ko sa iyo noong Kinder ka pa lamang ay naibasura mo agad gayong ang mga basurang ipinulot mo galing sa iyong mga itinuturing na kaibgan ay tila magnet na hindi maalis sa iyong sistema," sermon niya sa isa sa mga madalas naming bangayan.
          Maging ang ama kong "nakikiride-on" sa mga kaartehan ko at ng aking barkada ay ‘di naiwasang mairita sa aking pagrerebelde. Ni hindi ko na siya malambing o mapakiusapan nang hatulan niya ako ng maituturing kong "death sentence" nang sabihin niyang grounded ako.
          Malamang nagtataka kayo kung bakit ganoon na lamang ang galit sa akin ng aking mga magulang. Nalaman lang naman nila na may balak akong pumunta sa isang magulong salu-salong eksklusibo para sa mga mag-aaral sa mataas na paaralan. Hindi lamang iyon. Lahat kami, babae man o lalaki ay mag-iinuman nang walang kasamang nakatatandang magbabantay. Lubha itong mapanganib lalo pa’t kam’y nasa Saudi Arabi kung saan mariing sinusupil at ipinagbabawal ang pag-inom ng anumang may alkohol. Sinumabg lumabag dito ay tiyak na makukulong at madedeport. Hindi katakatakang galit ang aking mga magulang.
          Ganoon man, hindi maturuan ang rebeldeng bumubuo sa aking pagkatao. Pinilit ko pa ring pumunta sa salu-salo at nakipag-inuman. Kinabukasan, ‘di mailarawang sakit ng ulo ang aking madama. Bukod dito’y nasusuka ako. Kung anumang paglutang sa kalangitan ang aking nagawa nang nakaraang gabi, siya namang pagdurusa ko sa impiyerno kinaumagahan.
          Yaon ang nagpamulat sa aking mga mata. Nakadama ako ng pagsisisi lalo pa nang maalala ko ang pabalang kong paraan sa pagsagot sa aking mga magulang para sa isang pagkakataong wala namang naidulot na kabutihan sa akin, bagkus, nakasama pa. Dito’y naranasan ko ang langit at impiyerno na nagpalunok sa akin ng isang aral na pinauulit-ulit sa akin ng aking mga magulang.
          Sa aspeto ng pakikibagay, matutong sumunod sa agos. Sa aspeto ng prinsipyo, manindigang parang bato!